Thursday, January 17, 2019

Tekstong Argumentatibo:

     Subhektong Filipino, Ating Pahalagahan   

         Isa sa mga isyu ngayon sa bansa ay ang ipinatupad ng Commission on Higher Education (CHED) na ordinansa ukol sa pagpili ng mga mag-aaral sa kolehiyo ng kanilang Foreign Language Subject at ang pagiging optional na subject ng Filipino na kung saan, maaaring kunin nila ito bilang isa sa kanilang mga subject at maaari rin namang hindi.
         Kung ako ang tatanungin, dapat pa ring kunin ang subject na Filipino sa kolehiyo. Wala namang masama kung ipagpapatuloy ito, bagkus, mas mapapalawak pa ang kaalaman natin ukol dito.  Marami ang nagsasabing ayos lang kahit hindi na kunin ang Filipino subject dahil wala naman itong kinalaman sa kursong kinukuha nila. Ngunit, may kinalaman man o wala, mas maganda pa rin kung hindi natin basta basta na lang isantabi ang subject na ito.
       Tingnan natin ang kadalasang nangyayari. Kahit mismong mga propesyunal, nananagalog pa rin. Minsan, mas naipapaliwanag din ng mga guro ang mga aralin gamit ang wikang Filipino, kahit na sila'y English o Science major.  Ipinapakita lamang nito na malaki pa rin ang naitutulong ng Filipino subject sa atin. Isa pa, hindi lahat ng bagay tungkol sa Filipino ay alam na natin. Marami pa tayong malalaman at matututunan kung kukunin pa rin nating subject ito pagdating ng kolehiyo.
        Mahalagang maintindihan natin ang kahalagahan ng Filipino sa atin. Hindi ba't napakagandang tingnan kung lahat tayong Pilipino ay may malawak na kaalaman ukol sa wika at subhektong Filipino? Na hindi lamang purong Matematika, Ingles, Siyensa, at Teknolohiya ang ating gamay. Na alam rin natin ang tungkol sa buhay ng ating bayaning si Rizal at alam nating gawing reoleksiyon at aral ang kanyang mga sinulat. Kaya't 'wag sana nating ipagwalang bahala na lamang ang subhektong Filipino dahil mayroon pa rin itong malaking maiaambag sa atin.

No comments:

Post a Comment